Hindi lamang simpleng isyung pangkapaligiran kundi isa nang ganap na krisis sa kalusugan at kaligtasan ng publiko ang matinding makapal na usok o haze na dulot ng mga forest fire sa Kalimantan, Indonesia.
Sa isang eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay Millie Alexander, isang Indonesian national mula sa South Sumatra, inihayag niyang lubhang delikado na ang sitwasyon sa kanilang bansa, partikular sa West Kalimantan, bunsod ng napakaraming mga hotspot at sa kapal ng usok na bumabalot sa paligid.
Ikinatatakot ni Alexander ang matinding epekto nito sa kalusugan, lalo na sa mga bata at may malulubhang karamdaman, pati na rin ang kapansin-pansing pagbaba ng visibility o likaw ng tanaw na lubhang nakakaapekto sa pang-araw-araw na pamumuhay at biyahe ng mga residente.
Dahil dito, pormal niyang hinimok ang pamahalaan ng Indonesia na kumilos nang mabilis at magpatupad ng mas mahigpit na mga hakbang laban sa ilegal na pagsusunog ng mga kagubatan.
Nanawagan din siya sa kanilang gobyerno na palakasin ang pakikipagtulungan sa iba pang mga bansa upang mas epektibong masugpo ang lumalalang problema sa kapaligiran.
Samantala, ikinagulat din ng Indonesian national na umabot na at naapektuhan na rin ng naturang transboundary haze ang iba pang karatig-bansa, kabilang ang Pilipinas.
Giit niya, kailangang magkaroon ng agarang aksyon ang mga awtoridad sapagkat hindi lamang kalikasan ang nakataya sa krisis na ito kundi ang mismong kalusugan at buhay ng mamamayan.
















