-- Advertisements --

Libo-libong mag-aaral sa Indonesia ang nagkasa ng malawakang protesta dulot ng dismaya sa tugon ng pamahalaan nito sa lumalalang sitwasyon ng haze sa bansa at Southeast Asia nitong mga nakaraang linggo.

Nitong Biyernes, higit 500 ang nakilahok sa protesta sa labas ng Central Kalimantan Governor’s Office sa kabisera ng Palangkarya bitbit ang kanilang mga panawagan para sa solusyon sa lumalalang haze mula pa nitong Agosto.

Kinalampag na rin ng ilan si Indonesian President Prabowo Subianto na magdeklara ng national emergency at gumawa ng mas epektibong hakbang para pigilan ng mga agricultural practices na itinuturing dahilan ng forest fires.

Ang naturang haze ay bunsod ng mga forest fires na lumalaganap sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kabilang sa isla ng Borneo kung saan marami ang naitalang kaso ng sunog.

Karaniwang nagsisimula sa Indonesia ang mga nasabing forest fires tuwing buwan ng Abril sa panahon ng tagtuyot ngunit naitala sa taong ito ang pinakamalalang kaso ng mga sunog sa nagdaang dekada.

Kaugnay nito, naging banta naman sa pampublikong kalusugan ang haze na idinulot ng mga sunog kung saan higit 333,470 na residente sa pitong probinsya ng Indonesia ang naitalang nagkaroon ng acute respiratory illnesses, ayon sa Ministry of Health ng bansa.

Labis din nitong naapektuhan ang kalidad ng hangin ng mga karatig nitong bansa tulad ng Singapore, Malaysia, at iba pang estado sa Timog-silangang Asya.