Naniniwala ang kampo ni Vice President Sara Duterte na maaaring mapaikli ang takbo ng impeachment trial kung tuluyang ibabasura o babawiin ng prosecution panel ang Article 3, na tumatalakay sa mga alegasyon ng bribery o panunuhol sa mga opisyal ng Department of Education.
Ayon kay Defense Deputy Spokesperson Atty. Justin Nicol Gular, hinihintay pa ng kanilang panig ang magiging pinal na desisyon ng prosecution ukol sa kung babawiin, pananatilihin, o itutuloy ang nasabing utos bago sila maglabas ng karagdagang opisyal na pahayag.
Giit ni Gular, igagalang ng depensa ang anumang magiging pasya ng prosecution at nakahanda silang i-adjust ang kanilang mga legal na preparasyon batay sa lalabas na desisyon.
Bukod dito, bukas din umano ang kampo ng Bise Presidente sa mga panukalang stipulation mula sa prosecution panel. Gayunpaman, kinakailangan muna nilang suriin at pag-aralang mabuti ang mga probisyon nito bago magbigay ng kanilang opisyal na tugon.
Tiniyak din ng legal team na handa sila sa mas mahahabang trial sessions, kabilang ang mga buong araw na pagdinig, upang makasabay sa inaasahang magiging abalang kalendaryo at iskedyul ng Senado.
Binigyang-diin ni Atty. Gular na kasama na sa kanilang buong preparasyon ang pagiging handa hindi lamang sa usaping legal at mga dokumento, kundi maging sa pisikal at mental na hamon ng mahabang paglilitis.
















