-- Advertisements --

Pormal nang sasampahan ng kasong qualified human trafficking ng National Bureau of Investigation (NBI) si Batangas 1st District Representative Leandro Leviste kasama ang iba pang indibidwal.

Mismong si NBI Director Atty. Melvin Matibag ang nagpatibay sa naturang hakbang ngayong araw.

Ayon sa pinuno ng kawanihan, ang ihahain nilang reklamo ay may kaugnayan sa umano’y pagkakasangkot ng mambabatas sa nabistong “honeytrap plot” na ang layunin ay biktimahin at ipahamak si Executive Secretary Ralph Recto.

Isusumite ng NBI ang pormal na reklamo sa National Prosecution Service ng Department of Justice (DOJ) upang simulan ang paunang pagsusuri at imbestigasyon sa kaso.

Ang qualified human trafficking ay itinuturing na isang seryosong krimen sa ilalim ng batas ng Pilipinas na walang inirerekomendang pyansa kapag napatunayan sa hukuman.

Wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang kampo ni Representative Leviste hinggil sa mga nakatakdang ihain na kaso laban sa kaniya.