-- Advertisements --

Naglabas ng babala ang Office of Civil Defense (OCD) at mga lokal na pamahalaan sa publiko, partikular sa mga residente ng Metro Manila at mga karatig-lalawigan, na mag-ingat laban sa mababang kalidad ng hangin dulot ng makapal na haze o usok na nagmumula sa forest fires sa Kalimantan, Indonesia.

Ayon kay OCD Deputy Administrator Assistant Secretary Raffy Alejandro, ang makapal na usok mula sa wildfires sa Indonesia ay pumasok sa bansa matapos tangayin ng umiiral na hangin patungo sa rehiyon.

Dahil dito, maging ang ilang LGU ay naglabas na rin ng sariling abiso.

Pinayuhan ni Caloocan City Mayor Along Malapitan ang mga mamamayan na magsuot ng face mask kapag lalabas ng bahay upang makaiwas sa posibleng epekto nito sa kalusugan matapos makapagtala ng masamang antas ng kalidad ng hangin sa kanilang lungsod at sa buong Metro Manila.

Batay sa ulat, naitala ang makapal na layer ng haze na nagpalabo sa skyline ng Metro Manila na malinaw na nakita mula sa Antipolo City, Rizal kaninang 5:48 ng umaga ngayong Martes, Setyembre 1.

Paliwanag naman ng Department of Environment and Natural Resources–Environmental Management Bureau (DENR-EMB), patuloy nilang binabantayan ang air quality sa mga apektadong lugar, lalo na sa National Capital Region (NCR), CALABARZON, at MIMAROPA.

Sa kasalukuyan, tuluy-tuloy ang pagsusuri ng mga awtoridad sa antas ng polusyon at kapal ng usok upang matukoy at mapaghandaan ang magiging epekto nito sa kalusugan ng publiko at sa kalikasan.