Tiniyak ng pamunuan ng MRT-3 (Metro Rail Transit Line 3) na magtutuloy-tuloy na ang pagpapabuti sa kanilang serbisyo sa publiko lalo na ang mga commuter.
Ito ang binigyang-diin ng newly-designated MRT-3 officer-in-charge (OIC) General Manager (GM) at Director for Operations Michael Capati matapos ang matagumpay na malawakang rehabilitasyon ng MRT-3.
Ayon kay Capati, naibalik sa pamamahala ng orihinal na builder at provider ng linya ang rehabilitasyon at pagmimintina nito.
Sa ngayon balik na sa 60-kilometers per hour (kph) ang operating speed ng MRT-3 at umabot na sa record-high na 23 ang operational trains, habang nasa 3.5 minutes na lamang ang headway o paghihintay sa bawat tren.
Mula naman sa isang oras and 15 minuto, binabagtas na ng MRT-3 ang mga istasyon nito sa Taft Avenue, Magallanes, Ayala, Buendia, Guadalupe, Boni, Shaw Boulevard, Ortigas, Santolan, Araneta Center, Cubao, GMA-Kamuning, Quezon Avenue at North Avenue sa loob lamang ng 45 minuto na resulta sa magandang outcome ng rehabilitation.
Naupo bilang OIC-GM ng MRT-3 si Dir. Capati noong March 7, 2022, at siya rin ang tumatayong Director for Operations mula 2017. Pinamunuan nito ang Maintenance Transition Team na namahala sa pagmimintina ng operasyon ng linya nang tapusin ng Department of Transportation ang kontrata ng MRT-3 sa BURI noong Nobyembre 2017, hanggang sa naibalik bilang maintenance provider ng rail line ang Sumitomo-MHI-TESP.
Samantala, ibinahagi ni Japan Ambassador to the Philippines His Excellency Koshikawa Kazuhiko ang kanyang paghanga sa pinagandang serbisyo ng MRT-3, na personal umano niyang nasaksihan matapos sumakay ng tren.
Kung maaalala, unang sumakay ng MRT-3 ang Ambassador noong Enero 2021 matapos matagumpay na naiakyat sa 60kph ang bilis ng takbo ng mga tren na bunga ng pagtatapos ng pagpapalit ng buong mainline rail at turnouts.
Ayon pa kay Amb. Kazuhiko, mananatiling maigting ang pagsuporta ng bansang Japan sa MRT-3 at sa Pilipinas upang mas mapalakas ang kooperasyon ng dalawang bansa.
Ang MRT-3 Rehabilitation Project ay pinondohan ng Japan International Cooperation Agency (JICA).