Nanawagan ang Embahada ng Pilipinas sa Qatar sa lahat ng Pilipino na manatiling kalmado at mag-ingat matapos ang pag-atake ng Israel laban sa ilang opisyal ng Hamas sa Doha.
Ayon sa Embahada, dahil sa mga kaganapan sa Doha, hinihikayat ng Embahada ang lahat ng Pilipinong nasa Qatar na manatiling kalmado, subaybayan ang mga balita mula sa mapagkakatiwalaang sources, at sundin ang mga tagubilin ng lokal na awtoridad.
Pinayuhan din ng embahada ang mga Pilipino na manatili sa loob ng kanilang mga tahanan at iwasan ang matataong lugar maliban na lamang kung kinakailangan.
Ayon sa ulat ng international media, inilunsad ng Israel ang pag-atake kahapon, September 9 laban sa ilang pinuno ng Hamas sa Qatar, kung saan pinalawak pa ang kanilang mga military operation sa iba’t ibang bahagi ng Middle East, kabilang na ang Gulf Arab state na matagal nang nagsilbing political base ng grupong Hamas.
Mariing kinondena naman ng Qatar ang naturang aksyon at tinawag itong kaduwagan at malinaw na paglabag sa international law.
Batay sa impormasyon mula sa dalawang opisyal ng Hamas, nakaligtas ang mga kasapi ng kanilang negotiating team na itinalaga para sa ceasefire talks.
Samantala, kinumpirma ng mga opisyal ng Israel na ang kanilang target ay ang mga pangunahing lider ng Hamas, kabilang na si Khalil al-Hayya, ang dating pinuno ng Hamas sa Gaza at kasalukuyang pangunahing negotiator ng grupo.