CENTRAL MINDANAO- Binawian ng buhay ang isang beteranong climber sa Mount Apo sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang nasawi na si Joel Lape, residente ng Lion Garcia st. Davao city at empleyado ng Franklin Baker sa Sta. Cruz Davao del sur.

Ayon Makilala MENRO Walter Ruizo na umakyat sa Mount Apo ang biktima kasama ang kanyang anak na si Earl Lape at 20 iba pa na dumaan sa Makilala trail sa Barangay New Israel Makilala North Cotabato.

Pagsapit ni Lape sa Ma-ag area ng Mount Zion na sakop ng Energy Development Corporation (EDC) biglang tumaas ang alta presyon nito at inatake sa puso.

Sinubukang iligtas ng anak at mga kasamahan nito si Lape ngunit binawian din ito ng buhay.

Sa tulong ng rescue team ng Makilala, Kidapawan city guides association, porters association,Rescue 911 ng Kidapawan City at ng EDC ay naibaba ang bangkay ni Lape mula sa bundok.