DAGUPAN – Pinangunahan ng Philippine National Police (PNP) at lokal na pamahalaan ng lungsod ng Dagupan ang isinagawang “Iwas paputok huwag magpaputok ng baril” motorcade sa siyudad.

Pinangunahan ni Police Regional Office 1 director, Brig/Gen Joel Orduña ang hanay ng PNP kasama sina provincial director police Col. Redrico Maranan at city chief of police, Lt. Col. Abubakar Mangelen Jr.

Habang sa hanay ng LGU Dagupan ay pinangunahan ni acting city administrator Allan Dale Zarate.

Layon ng naturang aktibidad na isulong ang mga alternatibong paraan ng pagiingay sa pagsalubong ng taong 2020 sa halip na gumamit ng mga paputok at baril.

Bukod sa motorcade, nag-inspeksyon din ang mga otoridad sa firecracker zone ng lungsod kung saan may ilang mga nagtitinda na sinita dahil sa ilang mga minor violations katulad ng pagiging malapit sa fire hydrant, naiinitan ang mga paputok, kakulangan ng fire extinguisher bawat tindahan gayundin ng buhangin at tubig.

Bukod dito, namahagi rin ng mga torotot ang mga pulis sa mga bata lalo na at sa boung lalawigan ng Pangasinan, karamihan ay nasa edad anim hanggang 12-anyos ang biktima ng paputok.

Nabatid naman mula sa city administrator hanggang Enero 1 lang ang pagtitinda sa firecracker zone.

Samantala, nakapagtala ng 27% o walong kaso ng fireworks related injury sa Pangasinan mula December 21 hanggang December 28 kahapon na mas mababa kumpara noong nakaraang taon na nakapagtala ng 11 kaso.

Base ito sa datos ng Provincial Health Office ng lalawigan na ibinahagi ni Provincial Health Office Chief Anna Ma. Teresa De Guzman.

Karamihan sa mga nabiktima ng paputok ay nasa edad anim hanggang 10 taong gulang, lahat ay pawang mga kalalakihan.

Pito ang naitalang active users na biktima ng paputok at 1 naman ang passive user.

Ilan sa mga apektadong parte ng katawan na may kinalaman sa firecracker incident ay apat na kaso ng hand injury, 2 kaso ng head/ neck injury at isang knee injury.

Samantala, nakapagtala din ng mga fireworks related injuries sa lalawigan kung saan 2 ang nabiktima ng whistle bomb, 2 kaso ng luses, 2 kaso ng five star, 1 fountain at 1 kwitis.