-- Advertisements --

Asahan na ang ang patuloy na pag-ulan sa Mindanao, Eastern Visayas, at Palawan sa loob ng susunod na 24 oras dahil sa epekto ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ), ayon sa PAGASA ngayong Linggo ng hapon.

Magkakaroon ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms, na maaaring magdulot ng flash floods o landslides bunsod ng katamtaman hanggang malalakas na buhos ng ulan.

Habang ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may mga manaka-nakang pag-ulan dahil sa easterlies.

Bagaman walang binabantayang low-pressure area, nagbabala ang Pagasa sa matinding init sa 24 na lugar sa bansa kung saan inaasahang aabot sa 42°C hanggang 45°C ang heat index, na itinuturing na nasa “danger” level at maaaring magdulot ng heat cramps, exhaustion, o heat stroke.

Kabilang sa mga lugar na apektado ng dangerous heat index ay ang Aparri, Laoag, Dagupan, Tarlac, Tuguegarao, Baler, Olongapo, Cavite, Daet, Masbate, Catarman, Pasay, at iba pa.

Pinapaalalahanan ang publiko na laging uminom ng maraming tubig, iwasan ang outdoor activities sa tanghali, at mag-ingat laban sa tindi ng init upang maiwasan ang sakit.