Dismayado ang Malacañang sa kawalang aksyon ng pamunuan ng PhilHealth sa isyu ng korupsyon sa ahensya.

Reaksyon ito ng Malacañang kasunod ng pahayag ng PhilHealth na delikado na ang pondo nito dahil sa mas mataas na gastos kumpara sa kanilang nakokolektang kontribusyon.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, dapat ipakita ni PhilHealth President/CEO Ricardo Morales ang mga hakbang niya para habulin ang mga korup sa ahensya.

Ayon kay Sec. Roque, daan-daang bilyong piso ang nawala sa PhilHealth dahil sa korupsyon pero hanggang ngayon ay wala pang nasisibak na sangkot dito.

Una nang inihayag ni Morales na nanganganib na ang pondo ng ahensya dahil sa lumiit ang koleksyon nito mula nang magkaroon ng pandemic ng COVID-19 habang lumaki naman ang gastos.

“Ang nais ko pong personal na makita ano yung mga hakbang na ginagawa ni Gen. Morales para habulin ang mga kurakot sa Philhealth? Hanggang ngayon po wala akong nababalitaang naparusahan diyan sa ahensya. Wala akong nababalitaan na ni isang tao na sinisante ni Gen. Morales o kaya naman ay kahit anong imbestigasyon na ginagawa niya,” ayon kay Roque.