Tumanggi si Department of Education (DepEd) Undersecretary Diosdado San Antonio na tukuyin kung saang rehiyon ginagamit ang module na nag-viral na naman sa social media.
Pumukaw sa pansin ng publiko ang katanungan sa isang pahina ng module kung saan nakasaad dito na kung mabibigyan ng tsansa ang mag-aaral na makiisa sa rally ay gagawin ba nito o hindi?
Base sa answer key, ang tamang sagot daw ay hindi, dahil ginagawa naman daw ng gobyerno ang lahat ng kanilang makakaya upang mapangalagaan ang kapakanan ng bawat Pilipino sa bansa.
Ayon kay San Antonio, iniimbestigahan na ng kagawaran ang nasabing module para sa Information Literacy na humihikayat sa mga estudyanteng huwag sumali sa mga demonstrasyon.
“Hihingi kami ng paliwanag. At alam mo, mga honest mistakes kung minsan, but hindi naman puwedeng maging very harsh kung may basis kami to do that. Kung wala, makikinig kami kung bakit nangyari iyong mga ganoong instances,” saad ni San Antonio.
Hindi aniya dumaan sa approval process ng DepEd central office ang module na ito.
“Sure na kami na hindi siya certified as ‘Ready to Print’ ng central office… Binalik iyan sa region na gumawa at may mga pinapa-modify,” dagdag pa nito
Inalmahan naman ito ng Commission on Human Rights (CHR). Anila malinaw na nakasaad sa Constitution na may karapatan ang bawat isa na ipahayag ang kanilang saloobin sa iba’t ibang issue na hinaharap ng Pilipinas.
Paliwanag ni CHR spokesperson Atty. Jacqueline De Guia, magandang halimbawa umano ang pagtuturo sa mga estudyante na respetuhin ang batas ngunit kasing importante rin ito ng pagtulong sa mga kabataan na maging kritikal sa pag-iisip lalo na pagdating sa mga isyu na nakakaapekto sa ating bansa.
Ang pagmamahal aniya sa kapwa ay hindi limitado sa pagsunod lamang sa batas pero pati na rin ang kakayahan nito na talakayin ang isyu sa komunindad at bansa sa ilalim ng mga karapatang mayroon ang isang indibidwal na nakasaad din sa Konstitusyon.