-- Advertisements --

Magbibigay ang European Union (EU) ng 500,000 euros o mahigit P33 million na halaga ng humanitarian aid sa Pilipinas bilang suporta sa pagtugon ng gobyerno sa mga lugar na naapektuhan ng mga bagyo at habagat.

Ayon sa EU, ibibigay ang naturang tulong sa pinaka-apektadong lugar sa bahagi ng Calabarzon at Gitnang Luzon, lalo na sa mga komunidad na mahirap marating.

Gagamitin ang pondo para sa cash assistance upang matugunan ang kakulangan sa pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan, malinis na tubig at maayos na sanitasyon at iba pang emergency relief efforts.

Dagdag pa ng EU, ang 500,000 euros ay karagdagang pondo sa 6 million euros na inilalaan para sa humanitarian aid at disaster preparedness ng Pilipinas para ngayong 2025.

Batay sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), tinatayang 2.365 milyong pamilya o katumbas ng 8.59 milyong indibidwal ang naapektuhan ng mga pag-ulan at pagbaha sa bansa.

Kung saan 38 katao na ang nasawi dahil sa epekto ng habagat at ng mga bagyong Crising, Dante, at Emong na nanalasa sa bansa noong Hulyo.