CENTRAL MINDANAO – Upang masigurong na epektibo ang pagpapatupad ng contact tracing sa mga indibidwal na posibleng mahawaan ng COVID-19, inilunsad ng city government of Kidapawan ang Barangay Health Emergency Response Team–BHERT Monitoring Application System.
Bahagi ito ng e-governance system na ipinatutupad ng lokal na pamahalaan ng Kidapawan City.
Online at real time na ang magiging sistema ng contact tracing kung saan ay mas mapapadali na ang paghahanap sa mga indibidwal na nakasalamuha ng isang nagpositibo sa COVID-19.
Magiging basehan ng Regional Inter Agency Task Force ang makakalap na mga impormasyon ng BHERT Monitoring App System na magsisilbing local Covid19 Analytics kung saka-sakaling magpapatupad ng localized lockdown ang city government.
Sa ilalim ng BHERT Monitoring Application System, mahalaga ang magiging papel ng Barangay Midwife dahil sa kanila ipapasa ng mga Barangay Health Workers ang impormasyon sa pagkakakilanlan ng mga iko-contact tracing.
Kasama rito ang detalye kung may nararamdamang ubo, lagnat o mga simtomas na katulad ng COVID-19 ang kino-contact trace.
Saka naman ipapasa ng mga midwife sa centralized system na nakalagay sa Operations Center ng CDRRMO ang nakuhang impormasyon.
May inilaan na security features ang BHERT Monitoring App System para masegurong pribado ang impormasyon lalo na ang pangalan ng na-contact trace.
Maiiwasan dito ang paggamit ng hindi totoong pangalan ng na-contract trace dahil may ilalaan na sariling serial number ang app para sa kanya.
Locally developed ang BHERT Monitoring Application System dahil taga Kidapawan City (RAPID ANALYTICS TEAM solutions and consultancy ni Wilbur Dayao) mismo ang nagdisenyo ng naturang mobile application na pwedeng gamitin sa mga Android at smart phones.
Para masigurong tuloy-tuloy ang paggamit ng App, sinagot na ng city government ang cellphone load ng mga barangay midwives at health workers pati na ang fuel allocation ng mga sasakyang kanilang gagamitin sa pagkuha ng impormasyon.
Tiniyak naman ng city government na sa pamamagitan ng security features ng app ay hindi magagamit sa iligal na gawain ang pagkakakilanlan ng kino-contact trace sa pamamagitan ng BHERT Monitoring Application System.