-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Kumpiyansa ang Filipino community sa Israel na kokoronahan bilang Miss Universe 2021 ang pambato ng bansa na si Beatrice Luigi Gomez .

Ayon kay Bombo International Correspondent Melly Jean Novilla, tubong Libacao, Aklan at kasalukuyang naninirahan sa Tel Aviv, Israel, buo ang suporta ng mga Pilipino sa kanya.

Ilan aniya sa mga Pinoy doon ay nagbabalak na manood kahit medyo may kalayuan ang venue at maraming requirements ang kailangang ma-comply.

Una nang nagsidatingan ang mahigit sa 80 kandidata mula sa iba’t ibang bansa at sumasailalim sa quarantine procedure.

Sa ngayon ay wala pang isinasagawang preliminary events.

Dagdag pa ni Novilla, excited din ang maraming Pinoy sa Israel dahil isa sa magiging judge ng pageant ang aktres na si Marian Rivera.

Muli rin umanong magbabalik bilang host ang kontrobersiyal na si Steve Harvey.

Ang Cebuana beauty na si Gomez ay “openly gay” at proud sa pagkakaroon ng mga tattoo sa katawan.

Gaganapin ang 70th Miss Universe coronation sa Eilat, Israel sa darating na Disyembre 12.

Inilarawan ng Bombo correspondent na ang Eilat ay isang tourist destination sa Israel na maihahalintulad sa Isla ng Boracay, kung saan halos anim na oras ang biyahe mula sa kabisera na Tel Aviv.

Samantala sa harap ng banta ng bagong Coronavirus Disease 2019 variant na Omicron, pansamantalang isinara ang mga border papasok ng Israel sa lahat ng mga turista sa loob ng dalawang linggo.

Obligado rin na magpakita ng “green pass” ang mga residente kapag papasok sa mga enclosed establishments kagaya ng mga malls, sinehan at iba pa na nagpapatunay na fully vaccinated ang mga ito.