Nakatakda nang isapinal ng Carousel Productions ang petsa ng Miss Earth coronation ngayong taon.
Ito’y isang linggo matapos ang matagumpay na kauna-unahang virtual coronation ng Miss Philippines Earth kung saan kinoronahan ang half Belgian beauty mula Baguio na si Roxanne Baeyens.
Ayon kay Carousel Executive Vice President Lorraine Schuck, may agam-agam din sila kung mayroon nang normal international flights sa darating na Nobyembre pero determinado na maituloy ang kanilang 20th edition sa kabila ng coronavirus pandemic.
Gayunman, ayaw daw nitong malagay sa alanganin ang kaligtasan ng nasa 90 international delegates kaya paplantsahin muli ang coronation via online.
“We did not want to stop doing it this year. We believe that with technology, it is doable. So we decided to go through with it,” ani Schuck sa Lifestyle.
“We have tentatively scheduled the coronation on Nov. 8,” dagdag nito.
Sa inisyal na diskarte, pagpasok pa lamang ng “ber” month ay isasagawa na ang preliminary activities sa pamamagitan ng apat na grupo ng aspiring beauty queens alinsunod sa kani-kanilang time zones.
Noong nakaraang taon, nasungkit ni Janelle Tee ng Pasig ang Top 20 finish sa Miss Earth pageant.
Kabilang sa mga Pinay na nagwaging Miss Earth ay sina Karla Henry noong 2008, Jamie Herrell noong 2014, Angelia Ong noong 2015, at Karen Ibasco noong 2017.