BACOLOD CITY — Desididong magsampa ng kaso ang misis na nagtamo ng mga sugat sa katawan matapos sunugin ng kanyang sariling mister ang kanilang bahay sa Barangay Bulata, Cauayan sa lalawigan ng Negros Occidental dahil lamang sa social amelioration fund.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay PMaj. Lowell Garinganao, hepe ng Cauayan Municipal Police Station, umuwing lasing ang suspek na si Leodigario Cabalida, 60, at pagdating nito sa kanilang bahay, humingi siya ng pera sa kanyang misis na nakakuha ng ayuda mula sa 4Ps ngunit hindi ito binigyan.
Nagkasagutan muna ang dalawa bago lumabas si Cabalida at sinunog ang kanilang bahay.
Sinikap naman ng misis na makalabas sa bahay sa pamamagitan ng pag-akyat sa kanilang kisame.
Nakita ito ng kanilang kapit-bahay na si JR Bernardo na nagtangka pa sanang tumulong sa biktima ngunit bigla na lamang itong tinaga ni Cabalida.
Nagtamo ng sugat sa balikat si Bernardo habang mayroon namang sugat sa kamay si Cabalida matapos makaganti ang kapit-bahay nito.
Handa ding magsampa ng kaso si Bernardo laban sa suspek na nakakulong ngayon sa Cauayan Municipal Police Station.
Kahapon nakalabas na sa ospital ang 58-anyos na biktima na sadyang hindi pinangalanan.