Kinasuhan ng US state of Minnesota at Illinois si US President Donald Trump bilang bahagi ng pagpigil sa pagpapakalat ng federal immigration agents sa lugar.
Ang nasabing pagsampa ng kaso ay kasunod ng pagkamatay ng 37-anyos na babae na si Renee Good na pinagbabaril ng Immigration Custom Enforcement (ICE) agent.
Sa nasabing kaso ay hiniling nila sa federal court na ideklarang iligal ang pagpapakalat ng ICE agents.
Una rito ay sumiklab ang kilos protesta sa iba’t-ibang bahagi ng US bilang pagkondina sa pagpatay kay Good.
Kumpiyansa naman ang kampo ni Trump na maipapapanalo nila ang nasabing kaso kung saan sinabi ni White House Border Czar Tom Homan na kanilang ipinapatupad lamang ang batas na inaprubahan ng kongreso.
Hindi naman nagpatinag si Trump kung saan mas lalo pa aniya nilang dadamihan ang bilang ng mga ICE agents na ipapakalat sa mga lugar.















