COTABATO CITY – Balik-operasyon na ang Mindanao Star Bus Transit Inc. (MSBTI) na may rutang Davao Region-Soccsksargen Region vice versa.

Ito ang kinumpirma ni MSTBI admin manager Dodong Maglasang.

Ngunit, paglilinaw ni Maglasang, limitado lamang sila sa ilang mga lugar na pumayag makapagbiyahe ang mga ito.

Ang ruta ng kanilang biyahe ay limitado sa ngayon sa Davao City-Bansalan vice versa (2 bus units), Sta. Cruz-Bansalan vice versa (12 bus units) at Kidapawan City-Cotabato City vice versa (30 bus units).

Mahigpit namang ipapatupad ang minimum health standard protocols sa loob ng Mindanao Star Bus tulad ng pagsusuot ng facemask at social distancing kung saan lilimitahan lamang sa 50 percent capacity ang sakay nito.

Dagdag pa ni Maglasang, kahit lugi sila sa biyahe ay wala silang magagawa kundi ang gawin ito bilang bahagi ng kanilang social responsibility sa mga mamamayan.

Matatandaan na Hunyo 8 pa muling nagbalik ang byahe ng Mindanao Star Bus sa probinsya ng Cotabato.

Babawi na lamang umano sila kapag natapos na ang krisis na dulot ng COVID-19 pandemic at manunumbalik ang normal na dagsa ng mga pasahero.