CAGAYAN DE ORO CITY – Deretsahang inamin ni Tulunan Mayor Reuel Limbungan na kabilang umano siya sa mapalad na nakaligtas mula sa pagtama ng 6.6 magnitude na lindol sa kanilang bayan sa North Cobabato.

Ito’y matapos nakatakbo si Limbungan mula sa loob ng banyo kahit hindi na natakpan pa ang sensitibong bahagi ng kanyang katawan dahil sa sobrang pagmamadali para makaiwas sa babagsak na debris sa kanyang bahay.

Kuwento ng alkalde sa Bombo Radyo, naliligo siya nang biglang tumama ang malakas na lindol kaya nagkandarapa ito paglabas mula sa banyo hanggang hindi na nito naisipan na magbihis.

Ngunit kahit nakakahiya aniya sa harap ng kanyang mga kababayan, hindi na niya ito iniisip sa sobrang bilis ng pangyayari.

Nasa ligtas din namang kalagayan ang lahat ng miyembro ng pamilya nang tumama ang malakas na lindol sa kanilang bayan kahapon ng umaga.