CAGAYAN DE ORO CITY – Tuluyang sinira ng Bureau of Customs (BOC) at Department of Agriculture (DA) ang milyon-milyong halaga ng mga iligal na sibuyas mula China.
Ang naturang mga sibuyas ay pinalusot ng ilang consignees na kulang-kulang o kaya’y misdeclared cargos na dumaong sa Mindanao Container Terminal (MCT) sa Tagoloan, Misamis Oriental.
Gayunman, ipinag-utos ng korte na sirain na ang mga nakumpiskang smuggled onions dahil napatunayan na iligal ang pagpasok nito sa bansa at peligro rin para sa kalusugan ng publiko kung naibenta pa sa mga palengke ng bansa.
Mismong ang BOC district collector na si Atty. Elvira Cruz maging mga taga-DA ang tumungo sa Terra Cycliq Corporation na nakabase sa Manolo Fortich, Bukidnon, upang pangunahan ang pagsira at paglibing sa mga smuggled onions.
Kung maaalala sa mga nagdaang buwan nitong taon, sunod-sunod ang pagkakaharang ng mga imported agricultural products na mula sa consignees na R2H Trading at EMV Consumer Goods Trading.
Kapwa nakunan ang mga ito ng milyon-milyong halaga ng mga kontabando nang dumaong ang cargo vessels sa MCT ng lalawigan.
Sa loob lamang ng Nobyembre 2021, mahigit P200 milyon ng iligal na kargamento ng mga sibuyas mula China ang nakumpiska ng Customs.
Samantala, gumulong na rin sa Bureau’s Action Team Against Smugglers ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act laban sa consignees na nasa likod ng smuggling activities sa Mindanao.