Sibakel1

Nasa mahigit 3,000 Filipino deportees ang nakatakdang pauuwiin pabalik ng Pilipinas sa mga darating na araw mula sa bansang Malaysia.

Kaya nababahala dito ang liderato ng Western Mindanao Command (Wesmincom) at maging ang mzga local government units (LGU’s) sa Mindanao, Sulu at Tawi-Tawi dahil hindi matiyak kung ang mga uuwing Pilipino ay COVID free.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Western Mindanao Command commander Lt Gen. Cirilito Sobejana, may initial talks na silang ginagawa sa mga LGU’s para paghandaan ang pagdating ng mga Pinoy deportees.

Sinabi ni Sobejana ang pag-uwi ng mga Filipino repatriates ay gagawing by batches na tig 500 bawat batch na isasakay sa commercial vessel mula Sandakan, Sabah Malaysia.

Sa kabuuan may anim na batches ang inaasahan para sa mga Pinoy na uuwi ng bansa.

Pero bago pa man makauwi sa kani-kanilang pamilya at probinsiya ang mga ito sasailalim muna sa 14 days quarantine ang mga ito.

Layon nito para matiyak na Covid free ang mga uuwi nating kababayan.

Samantala, tatlong isla sa Mindanao ang tinukoy ng militar para gawing quarantine facility na mamandohan ng mga health officials at local government units.

Una nang ginawang quarantine area ang Sibakel Island sa probinsiya ng Basilan ang nasa 200 Pinoy deportees.

Ngayong may inaasahang libu-libong mga Filipino repatriates na uuwi ng bansa may dalawa pang isla ang tinukoy ng Westmincom para gawing quarantine facility.

Ang dalawa pang isla ay ang Simunul sa Tawi-Tawi at ang Panglima Tahi sa probinsiya ng Sulu.

Binigyang-diin ng heneral na bago pauwiin sa Pilipinas ang mga Pinoy deportees kailangan munang tiyakin na walang karamdaman ang mga ito.

Ipinag-utos na rin Sobejana sa Joint Task Force Sulu at JTF Tawi-Tawi para makipag-ugnayan sa mga LGU’s para mas maging maayos ang pagdating ng mga Pinoy deportees.

Pinasisiguro din ni Sobejana sa militar ang seguridad sa mga nasabing isla para matiyak na ligtas ang mga kababayan natin.