Itinakda sa Hunyo 16 ang sagupaan ng Pinoy boxer na si Mike Plania at ng WBO no. 1 ranked bantamweight Joshua Greer Jr. sa bakbakang bahagi ng Top Rank card na gaganapin sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.

Kasalukuyang hawak ni Plania (23-1, 12 KOs) ang walong sunod-sunod na panalo, habang si Greer (22-1-1, 12 KOs) ay asam na makadagit ng titulo sa bantamweight division.

Si Plania rin ang unang boksingerong Pinoy na lalaban sa gitna ng COVID-19 pandemic, na nagpatigil pansamantala sa halos lahat ng mga boxing events sa unang kalahati ng taon.

Huling tumapak sa ring si Plania noong Disyembre 2019, kung saan nagtala ito ng unanimous decision win kontra kay Giovanni Gutierrez.

Samantalang si Greer ay pinadapa si Antonio Nieves noong Oktibre 2019 sa pamamagitan din ng unanimous decision.

Ayon kay Plania, handa na raw itong makipag-upakang muli matapos ang ilang buwang pahinga.

Itinuturing niya rin daw ang kanyang sarili na masuwerte dahil siya ang unang Pinoy na lalaban ngayong may kinakaharap ang mundo na health crisis.