Ipinagmalaki ng actor-comedian na si Michael V. na unti-unti na itong gumagaling mula sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Bitoy, bagama’t hindi pa 100% ay bumalik na rin daw nang paunti-unti ang kanyang pang-amoy.

Isa kasi sa sintomas ng pagkakaroon ng COVID-19 ay ang pagkawala ng pang-amoy ng isang tao.

Samantala, kinukumpleto na lamang daw ng komedyante ang 14-day quarantine bago bumalik sa normal ang kanyang buhay.

Binabalak niya rin daw na mag-donate ng kanyang blood plasma para makatulong sa iba pang nahawaan ng coronavirus.

“Mag-donate para makatulong sa ibang kababayan natin at makatulong sa sensiya siguro, sana kahit papano, may maiambag yung plasma ko, yung dugo ko para makahanap ng gamot o lunas dito sa sakit na ito,” wika ni Bitoy.

Wika pa ng aktor, hindi biro ang pinagdadaanan ng isang taong kinapitan COVID-19, kaya dapat umano ay maging responsableng mamamayan.