-- Advertisements --

Patuloy ngayong nagbabala ang Mines and Geosciences Bureau (MGB)-7 sa seryosong banta ng panganib sa mga residente sa hilagang Cebu matapos naitala ang kabuuang 70 sinkholes kasunod ng malakas na lindol.

Kabilang sa mga apektadong lugar ang San Remegio na may 40, 16 sa Bogo City, 8 sa Daanbantayan, tig-2 sa bayan ng Medellin at Tuburan, at 1 sa Tabuelan na pawang mga lugar na matagal nang kilala na may limestone na lupa, na madaling maapektuhan ng natural na proseso ng pagguho.

Ipinaliwanag ni Josephine Aleta, OIC-Chief ng Geosciences Division, na ang presensya ng sinkholes ay indikasyon ng mas malawak pang geological concern.

Sinabi ni Aleta na nananatiling hindi tiyak kung kailan o saan susunod na lilitaw ang mga ito at mas lalong tumitindi ang pangamba sa posibilidad ng paglaki ng mga kasalukuyang sinkhole, lalo na kung magpapatuloy ang mga pagyanig sa lugar.

Dahil dito, inirekomenda ng ahensya na dapat iwasan ang pagtira malapit sa mga lugar na may naitalang sinkhole.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang mas detalyadong pagsusuri ng MGB sa tulong ng Ground Penetrating Radar (GPR) survey upang mas maunawaan ang lawak at lalim ng pinsala.

Layon nitong tukuyin ang mga lugar na nangangailangan ng agarang atensyon at pagbibigay-babala sa mga residente na manatiling mapagmatyag.