Nakatakda nang simulan ng Philippine National Police (PNP) ang pagsuyod sa mga tindahan na nagbebenta ng mga vape o electronic (e)-cigarrets.
Ayon kay NCRPO (National Capital Region Police Office) chief B/Gen. Debold Sinas, kabilang sa direktiba ni PNP officer-in-charge (OIC) Lt. Gen. Archie Gamboa na bisitahin ang mga tindahan at paalalahanan na mahigpit ng ipinagbabawal ang pagbebenta nito.
Sinabi ni Sinas makikipag-ugnayan din sila sa mga local government units (LGUs) para magkaroon ng ordinansa sa hindi paggamit ng mga vape.
Kaya apela ng heneral sa mga LGUs, maglabas na ng ordinansa hinggil dito.
Bukod sa LGUs, makikipag-ugnayan din ang NCRPO sa Department of Health (DOH) dahil ang nasabing direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte ay may kinalaman sa kalusugan.
Samantala, wala pa namang nahuhuli ang PNP kaugnay sa paggamit ng vape.
Ayon kay PNP spokesperson B/Gen. Bernard Banac, wala pa siyang nakikitang official report hinggil sa dami ng mga nahuli sa vape ban.
Kahapon, sinimulan ng PNP ang kampanya laban sa paggamit ng vape alinsunod sa kautusan ni Pang. Rodrigo Duterte.
Giit ng PNP-OIC, kapakanan ng publiko ang pangunahing dahilan ng ipinatutupad nilang vape ban.