-- Advertisements --

Pinuna ng Malakanyang na walang tahasang pagtanggi si Vice President Sara Duterte sa mga akusasyon sa kanya na laman ng impeachment complaints.

Reaksyon ito ng Palasyo sa sagot ng kampo ni VP Sara sa Senate impeachment court kung saan ipinababasura nito ang articles of impeachment.

Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na ginamit lang ng kampo ng bise presidente ang simpleng teknikalidad sa kanilang depensa na dati na rin nitong ginamit sa Justice committee ng Kamara.

Iginiit ni Castro na mas maganda kung maipapaliwanag ni VP Sara sa taumbayan ang mga inaakusa sa kanya imbes na idaan sa techinicalities para ipabasura ang reklamo.

Dagdag ng Palace official, ang senator-judges naman ang magpapasya kung ibabasura ang impeachment complaints.

Punto pa nito, makabubuti rin sa bise presidente kung magagawa nitong malinis ang kanyang pangalan sa pamamagitan ng mga ebidensyang mailalatag sa impeachment trial.

Muli ring binigyang diin ni Castro na kailangan ng accountability lalo na sa isang public servant na sa kaso ni VP Sara ay nasa kamay ng Senado.