-- Advertisements --

Inilunsad na ng Department of Education (DepEd) ang nationwide Oplan Balik Eskwela bilang paghahanda sa pagbubukas ng School Year 2026-2027 sa Hunyo 8, 2026.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, isasagawa ang Oplan Balik Eskwela mula Hunyo 1 hanggang Hunyo 11 upang matiyak ang maayos na pagbubukas ng klase sa buong bansa.

Layunin ng programa na mapabilis ang enrollment process, matugunan ang mga concern ng publiko, at matiyak na handa ang mga paaralan para sa panibagong school year.

Nasa 16 na ahensya ng pamahalaan at utility partners ang makikibahagi sa preparasyon para sa pagbubukas ng klase.

Kabilang dito ang Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP), Department of Health (DOH), at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na siyang mangangasiwa sa pagpapatupad ng safety, health, at traffic management measures sa mga paaralan.

Tututukan naman ng Department of Transportation (DOTr) ang daloy ng mga commuter sa pagsisimula ng klase habang ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at National Telecommunications Commission (NTC) ay tutulong sa pagpapalakas ng communication at connectivity services.

Nakaantabay rin ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) para sa mga posibleng epekto ng masamang panahon at iba pang emergency situations sa panahon ng school opening.

Samantala, inatasan naman ang Meralco at Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na tiyakin ang sapat na suplay ng kuryente at tubig sa mga paaralan.

Upang mas mapadali ang pagtugon sa mga concern ng mga magulang at estudyante, mag-o-operate rin ang Oplan Balik Eskwela Public Assistance Command Center sa pamamagitan ng hotlines, text messaging, email, at social media platforms mula sa central, regional, division, hanggang school levels.

Hinikayat naman ng DepEd ang publiko na makipagtulungan upang maging maayos at ligtas ang pagbubukas ng klase ngayong taon.