Kinumpirma ng US military na naglunsad sila ng “self-defence strikes” sa Qeshm Island ng Iran habang tinarget naman ng Iranian missiles at drones ang installations ng Amerika sa Kuwait at Bahrain.
Ikinatuwiran ng panig ng Amerika na inilunsad nila ang self-defense attack bilang resulta ng aktibidad ng Iran sa rehiyon kabilang, hindi lamang ang pag-atake sa US Fifth Fleet sa Bahrain kundi maging sa Qeshm Island.
Sa isang statement, sinabi ng US Central Command (CENTCOM) na dalawang ballistic missiles na pinaputok ng Iran sa Kuwait, ang pumalpak at hindi natamaan ang target nito habang tatlong missiles na pinakawalan patungong Bahrain ang naharang ng US at Bahraini forces.
Samantala, kinumpirma rin ng US na na-intercept nila ang tatlong drones na pinakawalan ng Iran patungo sa civilian mariners sa rehiyon.
Nanindigan naman ang Estados Unidos na sa kabila ng labanan sa pagitan ng mga pwersa ng US at Iran, patuloy pa ring umiiral ang ceasefire sa pagitan ng dalawang bansa.
















