CENTRAL MINDANAO – Tukoy na umano ng pamilya ang mga suspek na namaril-patay sa tatlong katao sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang mga nasawi na sina ex-barangay chairman at incumbent barangay kagawad Andrew Lumibao, 53, mga kamag-anak nito na sina Roberto Cayona at ang BPAT Member na si Michael Arroyo, mga residente ng Brgy Takepan, Pikit, North Cotabato.

Ayon kay Pikit chief of police, Captain Mautin Pangandigan, habang nag-iinuman ang mga biktima sa harap ng isang tindahan na ‘di kalayuan sa kanilang bahay sa gilid ng national highway sa Sitio Vilo, Brgy Takepan, Pikit, Cotabato ay bigla lang silang pinagbabaril ng mga hindi kilalang suspek gamit ang M14 rifles.

Mabilis namang tumakas ang mga namaril lulan sa dalawang motorsiklo patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Pikit.

Nagtamo ng maraming tama ng bala ang mga biktima sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan kaya agad itong binawian ng buhay.

Ngunit tumanggi muna ang pamilya ng mga biktima na pangalanan ang mga suspek habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad.