-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Binigyan ng ultimatum ni PNP chief Gen. Archie Francisco Gamboa ang mga regional police directors hinggil sa kampanya laban sa iligal na sugal.

Una nang sinabi ni Gamboa na kaniya nang isinumite ang listahan ng mga illegal gambling operators.

Nais ni Gamboa na sa loob ng isang linggo ay magkakaroon na ng magandang resulta sa kanilang operasyon kontra illegal gambling.

Siniguro naman ng opisyal sa publiko na hindi “ningas kugon” ang maigting nilang kampaniya kontra iligal na sugal kung saan kabilang na rito ang jueteng.

Nagbabala si Gamboa na sisibakin nito sa puwesto ang kaniyang regional police directors sa buong bansa sakaling mabigo ang mga ito na sundin ang kaniyang kautusan sa ibinigay na palugit.

Nanindigan ang hepe ng pulisya na kailanman ay hindi sila tumatatanggap ng anumang ganansya mula sa jueteng o anumang uri ng sugal.