Ipinahayag ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang kanilang mataas na pagkilala at pagpuri sa ipinatupad na ‘maximum tolerance’ ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) na nagsilbing tagapagbantay at nagpatupad ng seguridad sa malawakang kilos-protesta na isinagawa sa iba’t ibang panig ng bansa nitong nakaraang linggo, partikular noong ika-21 ng Setyembre.
Sa pamamagitan ng isang pormal na pahayag, ipinaabot ng NAPOLCOM ang kanilang taos-pusong pasasalamat sa dedikasyon at serbisyo ng mga miyembro ng kapulisan sa pagprotekta sa mga indibidwal na lumahok sa kilos-protesta, kahit na sa pagkakataong iyon ay nalagay ang ilan sa kanila sa posibleng panganib at banta sa kanilang kaligtasan.
Kinilala ng komisyon ang kahalagahan ng papel ng PNP sa pagtiyak ng seguridad ng lahat.
Binigyang-pugay ni NAPOLCOM Vice Chairman at Executive Officer Commissioner Rafael Calinisan ang lahat ng mga kapulisan na nagpakita ng katatagan at paninindigan sa kanilang tungkulin, at patuloy na naglilingkod nang walang pag-iimbot upang mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan ng publiko sa kabila ng mga hamon.
Ayon kay Commissioner Calinisan, ang mga pangyayaring ito ay nagpapakita ng tunay na sakripisyo at dedikasyon ng bawat pulis sa kanilang sinumpaang tungkulin.
Ang kanilang pagtitiyaga at paglilingkod sa bayan ay nagpapakita ng kanilang pagmamahal sa Pilipinas at sa mga Pilipino.