-- Advertisements --

Pinaiiwas ng Philippine Consulate General sa Los Angeles ang mga Pinoy sa naturang siyudad mula sa kumpulan ng mga tao na maaaring humantong sa gulo sa gitna ng nagpapatuloy ng malawakang riots laban sa ikinakasang sunud-sunod na raids ng US Immigration and Customs Enforcement (ICE).

Sa inilabas na abiso ng Konsulada, pinayuhan nito ang mga Pilipino doon na pairalin ang ibayong pagi-ingat at maging alerto sa gitna ng kaliwa’t kanang mga protesta sa Los Angeles.

Unang sumiklab ang kaguluhan sa LA matapos magkasa ng military-style raids sa siyudad noong nakalipas na linggo kung saan 44 na katao ang naaresto.

Ang isinagawang raids ay parte ng massive immigration crackdown ng administrasyon ni US President Donald Trump mula nang maupo siya sa pwesto noong Enero.

Isang Pinoy naman na ang kinumpirma ng Homeland Security Department na kabilang sa mga inaresto. Ito ay kinilalang si Rolando Veneracion-Enriquez, 55 anyos na mayroon umanong criminal history na na-convict sa kasong theft, assault, burglary at rape. Subalit kalaunan, pinabulaanan ito ng Konsulada ng Pilipinas sa LA at sinabing hindi kasama ang Pinoy sa nadakip sa raid kundi inaresto siya sa kaniyang bahay dahil sa kaniyang mga dati ng kaso.

Sa kasalukuyan, umaabot sa kalahating milyon ang mga Pilipino na naroon sa LA.