NAGA CITY – Inatasan na ni Camarines Sur Governor “Migz” Villafuerte ang lahat ng alkalde sa Camarines Sur na maglagay ng “single point loading area” para sa lahat ng pampasaherong bus mula Manila, CaLaBaRZon at iba pang lugar na may Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Maliban dito, ipapatupad din ang thermal scanning at registration para sa lahat ng tao na papasok sa mga lungsod at bayan sa lalawigan lalo na ang mula sa mga apektadong lugar ng nasabing sakit.
Ayon kay Villafuerte, kinakailangan ding ipasailalim sa 14 day self-quarantine ang naturang mga indibidwal at mahigpit na imomonitor ng mga Barangay Health Emergency Response team.
Samantala base sa ipinalabas na abiso ng Bicol Medical Center (BMC) sa pangunguna ni officer-in-charge Medical Center Chief II Francisco Sales, magpapatupad na ang ospital ng “One Patient, One Watcher Policy” habang pansamantala munang sinuspinde ang visiting hours para sa mga pasyente.
Ang BMC ay isa sa mga designated health facilities ng Department of Health para mag-admit at manguna sa lahat ng kaso na na may kinalaman sa COVID-19.