-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Mariing dinepensa ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP-Mindanao) ang biglaang pagtaas ng singil sa kuryente ngayong Hulyo sa kabila ng matinding batikos mula sa publiko.

Ayon kay NGCP-10 spokesperson May Curiano, wala raw silang kinikita sa dagdag na bayarin dahil ito’y bunga ng pagtaas sa ancillary services mga serbisyong dapat nagpapatatag sa power grid subalit ngayo’y nagiging dahilan ng pasanin sa mga konsumer.

Mula sa billing period ng Hunyo, tumaas ang ancillary service rates ng 9.32% mula ₱0.5655/kWh hanggang ₱0.6182 kilowatt per hour dahilan ng 5.49% na pagtaas sa kabuuang transmission rate na umabot sa ₱1.2113 kilowatt per hour.

Giit ng NGCP, ang ancillary service charges ay direktang binabayad sa power providers at sa Independent Electricity Market Operator of the Philippines kaya’t wala raw silang pakinabang dito.

Ngunit sa mata ng publiko, ang paliwanag ay tila hindi sapat lalo’t tumaas pa ang transmission wheeling rate ng 0.39% na ngayo’y nasa ₱0.4611 kilowatt per hour.

Nananawagan ang NGCP sa mga konsumidor na makinig sa kanilang pagpapaliwanag mula sa BOMBO RADYO upang maiwasan ang kanilang pagrereklamo.