-- Advertisements --

Ikinabahala ng ilang senador ang sinapit ni Bureau of Corrections (BuCor) legal chief Frederic Santos, makaraang masawi ito sa nangyaring ambush kanina habang nasa Poblacion area, Muntinlupa City.

Ayon kay Senate committee on justice chairman Sen. Richard Gordon, ilang tauhan at opisyal na ng BuCor ang pinatay mula noong mga nakaraang taon.

Kabilang sa mga namatay sina Corrections Officer 1 Porferio Bergula (Nov. 27, 2019), chief Administrative Officer 3 Ruperto Traya Jr. (Aug. 27, 2019), Insp. Rommel Reyes (Sept. 2, 2018), Insp. Nimencio San Gabriel (Oct. 1, 2018) at Chief Insp. Angelito Padilla (Dec. 3, 2018).

Dahil dito, pang-anim na si Santos sa mga napatay na BuCor officials mula 2018, habang 10 iba pa ang napatay noong nakaraang administrasyon.

“Lahat itong mga pinatay sa Muntinlupa, wala pang na-solve na kaso,” wika ni Gordon.

Sa isyu kay Santos, sakay ang biktima ng kaniyang pick-up kung saan susunduin sana ang anak, nang mangyari ang krimen.

Nagtamo ng tama ng bala sa ulo ang abogado na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Sa kasalukuyan ay suspendido ito dahil sa kinasangkutang GCTA scandal na lumutang sa Senate inquiry.

Na-contempt pa si Santos, kasama ang iba pa nitong kasamahan dahil sa pagsisinungaling sa pagdinig.

Magugunitang nasita pa dati ni Sen. Panfilo Lacson ang dating legal chief dahil sa isyung nakikisali ito sa drug session ng mga drug lord sa New Bilibid Prisons.