Inaasahan na ang maulan na panahon sa ilang bahagi ng bansa ngayong Miyerkules, Oktubre 8 bunsod ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ) at Northeasterly Windflow (Amihan), ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).
Apektado ng ITCZ ang Visayas, Mindanao, at Palawan, kaya’t makararanas ang mga ito ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog.
Samantala, ang Amihan naman ay magdudulot ng maulap na panahon na may pag-ulan sa mga lalawigan ng Quezon at Camarines Norte.
Gayundin ang mararansan sa Cagayan Valley, Ilocos Norte, Apayao, at Aurora na makararanas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may mga panaka-nakang pag-ambon.
Habang sa Metro Manila at natitirang bahagi ng Luzon ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na panahon na may posibilidad ng localized thunderstorms.
Pinapayuhan ang publiko na maging alerto sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa dulot ng malalakas na pag-ulan.