Asahan na ang mga pag-ulan sa araw ng halalan, ayon ‘yan sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Linggo ng hapon.
Batay sa 4:00 p.m. weather forecast, magpapatuloy ang epekto ng frontal system at easterlies na siyang magdadala ng mga pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Makakaranas ng maulap na kalangitan at kalat-kalat na pag-ulan na may pagkidlat at pagkulog ang Batanes at Babuyan Islands, na maaaring magdulot ng flash flood o landslide.
Samantala, makararanas naman ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may panaka-nakang pag-ulan ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa.
Katamtaman hanggang malakas na hangin at katamtaman hanggang maalon na dagat naman ang mararanasan sa extreme northern Luzon.
Sa ibang bahagi ng Luzon, Visayas, at Mindanao, inaasahan ang banayad hanggang katamtamang hangin at bahagyang maalon na karagatan.