Tiniyak ng Department of Education (DepEd) na tutulong sila sa pag-facilitate sa enrollment ng mga tinatawag na out-of-school youth sa Alternative Learning System (ALS).
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni DepEd Usec. Revsee Escobedo na hahanapin nila ang naturang mga indibidwal para maipagpatuloy ang kanilang edukasyon sa kabila ng nararanasang limitasyon.
“Ito ang matagal na naming ginagawa. Ito ang ginagawa namin sa mga out of school youth, ‘yung mga hindi nakakapasok sa normal na sistema, sa ALS namin sila pinapapasok,” wika ni Escobedo.
“Kahit na wala sila sa normal na sistema ng edukasyon, binibigyan sila ng edukasyon saan man sila naroon at anuman ang kanilang limitasyon sa pag-aaral.”
Sa ngayon, nasa 20.7-milyon pa lamang ang mga nagpaparala para sa School Year 2020-2021, na 74.6% ng enrollment noong nakalipas na taon.
Sa nasabing bilang, 19.6-milyon ang nagpatala sa mga public schools, habang 1.09-milyon naman ang mga nagparehistro sa mga private schools.
Nasa mahigit 300,000 na mga estudyante rin ang nagsilipatan mula pribado patungo sa mga pampublikong eskwelahan.
Una nang sinabi ng DepEd na ang rason sa paglipat mula private papuntang public schools ay dahil sa epekto sa ekonomiya ng coronavirus pandemic.