Natuklasan ng National Aeronautics and Space Administration (NASA) ang mga kakaibang bato sa Mars na posibleng naglalaman ng pinakamalinaw na ebidensya ng sinaunang buhay sa ”red planet”, ayon sa bagong pag-aaral.
Kung saan ang mga nadiskubreng mudstone ay tinawag naman ng Mars na “leopard spots” at “poppy seeds” na natagpuan ng Perseverance Rover sa tuyong ilog ng Jezero Crater, isang lugar na pinaniniwalaang dating lawa milyun-milyong taon na ang nakalilipas.
Ayon sa mga siyentipiko, maaaring nabuo ang mga mineral sa mga batong ito sa pamamagitan ng chemical reactions sa pagitan ng putik at organic matter, na sa Earth ay karaniwang dulot ng mga mikrobyo.
Ito rin aniya ang dahilan kung bakit kinikilala ito ng NASA bilang “potential biosignatures” o mga posibleng palatandaan ng buhay.
Bagama’t posible ring nabuo ang mga mineral sa natural na paraan (walang kinalaman sa buhay), sinabi naman ng mga eksperto na kailangan ng mataas na temperatura para dito — isang bagay na hindi nakita sa mga bato.
Gamit ang Perseverance, naipadala sa Earth ang data para sa pagsusuri kung saan naghihintay na lang ng isang Mars Sample Return Mission para sa mas masusing pagsusuri.
Ngunit maaaring makansela ang misyon dahil sa mga proposed budget cuts sa ilalim ng panukalang budget ni US President Donald Trump para sa 2026.
Habang hinihintay ang desisyon para sa mission ng Amerika, nagsisikap din ang China na makapaglunsad ng sarili nilang Mars sample return mission sa 2028.