BEIJING – Nais umano ni Pangulong Rodrigo Duterte na magpaliwanag ang mga kinauukulang opisyal ng gobyerno lalo ng Bureau of Corrections (BuCor) kaugnay sa paglaya ng nasa 2,000 convicted criminal sa heinous crimes.
Kasunodm ito ng naging rebelasyon ni Sen. Panfilo Lacson na mula noon pang 2013 ay pumapalo na sa ganung bilang ang napalayang kriminal dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law o RA 10592.
Sinabi ni Sen. Bong Go na kasama sa official visit ni Pangulong Duterte sa Beijing, China, ngayon lang nakarating sa kaalaman ng pangulo ang naturang impormasyon.
Ilang mga mamamahayag ang nagpatanong kay Pangulong Duterte sa pamamagitan ni Sen. Go kung ano ang reaksyon nito kaugnay ng naturang pahayag ni Sen. Lacson.
Kaya sagot umano ni Pangulong Duterte, hihingan nito ng paliwanag ang mga kinauukulan kung bakit nakalaya ang halos 2,000 mga convicted criminals na nahatulan dahil sa karumaldumal na krimen.
Sa panig naman ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, dapat lamang maibalik sa kulungan ang mga nasabing napalayang kriminal at pagsilbihan ang hatol na pagkakakulong dahil hindi sila kuwalipikadong masama sa makikinabang sa GCTA.