-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Hindi naitago ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa bansang Kuwait ang labis na pagkadismaya sa naging hakbang ng gobyerno ng Pilipinas sa naturang bansa.

Ito’y matapos ipinatupad ang partial lifting ban ng deployment ban sa mga OFWs kasunod ng kaso ni Jeanelyn Villavende sa isinagawang pagkikita ng Philippine at Kuwaiti officials at lumagda ng mga kasunduan.

Ibig sabihin, maaari nang bumalik sa kanilang mga Kuwaiti employers ang mga skilled, semi-skilled at professional workers maliban lamang sa mga newly-hired at household workers.

Inamin ni Bombo international correspondent Teresa Navarro na nagulat siya nang mabalitaan ang naturang impormasyon dahil sa akala nito ay mabibigyan ng pag-asa ang mga OFWs sa pagpunta ni DOLE Sec. Silvestre Bello sa Kuwait at panindigan ang naturang ban.

Ayon kay Navarro, para umanong iniinsulto ng Kuwait ang Pilipinas at parang pinapatunayan lamang umano nilang pera lamang ang magiging katapat sa anumang kaso ng maltreated OFWs.

Binigyang-diin rin nito na hindi rin maipapatupad ang anumang kasunduan na nilagdaan dahil government-to-government ang transaction at mistulang wala itong epekto sa mga Kuwaiti employers.