ILOILO CITY – Inihahanda na ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas ang Iloilo City Community College upang makapag-accomodate sa mga medical staff na patuloy sa pagserbisyo sa gitna ng Coronavirus Disease 2019 o COVID-19.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Mayor Treñas, sinabi nito na nakatanggap siya ng maraming mensahe hinggil sa pagtanggi o diskriminasyon sa mga medical staff sa isang ospital kung saan naka-confine ang isang pasyenteng positibo sa COVID-19.
Ang nagpositibo sa nasabing virus ay 65-anyos na lalaki mula sa Guimbal, Iloilo.
Siya ang pangalawang pasyente na positibo sa COVID-19 sa Western Visayas kung saan na una itong naitala sa Bacolod City.
Ayon sa alkalde, ilan sa mga diskriminasyong kinakaharap ng mga medical staff ay ang pagtanggi sa kanila ng mga bus, sa karinderia at pagpapalis sa kanila sa kanilang tinutuluyang boarding house.
Magiging temporary dorm ng mga medical health workers ang Iloilo City Community College na may 72 bed capacity kung saan ang 30 beds ay para sa mga nagtatrabaho sa Western Visayas Medical Center, 25 beds sa The Medical City, at 17 para sa West Visayas State University Medical Center.
Ani Treñas, hindi niya masisikmura ang pag-abandona sa mga health workers na nag-aalaga sa mga may sakit.
Katunayan ang mahalaga aniya ay magtulungan at maging bayani sa kahit maliit na paraan.