-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Lalahok ang apat na visual artists mula North Cotabato sa darating na Mindanao Art 2020, na isasagawa ngayong darating na Oktubre 21, 2020.

Sa temang ‘Dream Kutawato,’ ipapakita sa naturang okasyon ang mga dibuho nina John Paul Alave, Rodante Mindo, Yves Paul Aquino, at Loraine Villafranca, mga pintor na mula sa Barangay Singao, Kidapawan City.

Ang apat na manlilikha ay mga myembro ng Irinugyun Artists Guild, ang organisasyon ng mga visual artists sa probinsya ng North Cotabato.

Ang Mindanao Art 2020 ay ang pinakamalaking art event sa Mindanao, at isa sa mga pinakamalaking aktibidad pang-sining sa Pilipinas.

Ito ay pinangunahan ng Lawig Diwa Foundation, National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at Malayan Colleges of Mindanao, kung saan mahigit dalawang daang mga manlilikha mula sa iba’t-ibang dako ng Mindanao ang lalahok.

Mag-uumpisa ang Mindanao Art 2020 sa pamamagitan ng isang Gala Night sa Malayan Colleges of Mindanao sa Davao City. Sa naturang Gala Night na dadaluhan ng mga panauhing pandangal, ihahandog bilang “Curated Dinner” ang tradisyonal na luto ng mga Obo Monuvu ng Kidapawan. Si Datu Hudson Bayawan, taga Balabag, Kidapawan, ang mag luluto ng mga Katutubong putahe bilang pagmamalaki sa masaganang kalikasan ng Mt Apo at sa yaman ng kultura ng mga Obo Monuvu.

Kasabay idadaos sa Mindanao Art 2020 ang MindArt Talks Online, isang komperensya para sa lahat ng may interes sa sining.

Pangangasiwaan ito ni Karlo Antonio Galay David, isang manunulat na tubong Brgy Lanao, Kidapawan City. Ang MindArt Talks Online ay idadaos sa Oktubre 22.

Magiging elektroniko ang pagdaraos ng Mindanao Art 2020 at MinArt Talks Online buhat ng pangdaigdigang COVID-19 pandemya. Lahat ng itatampok na mga likhang sining ay maaring matanaw ng libre sa nilikhang virtual gallery, habang libre din naming masusubaybayan ang MindArt Talks Online, na ila-livestream.

Ang mga gallery at komperensya ay makikita sa website ng Mindanao Art, www.Min-art.org.

Inaanyayahan ang lahat nga mga taga-North Cotabato nasuportahan ang ating mga lalahok na mga manlilikha

Sa pamamagitan ng pagsubaybay sa Mindanao Art 2020.