Mas lalo pang hihigpitan ng PNP ang pagpapatupad ng kanilang seguridad sa lahat ng mga quarantine control points lalo na doon sa mga lugar na may mas mataas na quarantine classification gaya na Enhanced Community Quarantine (ECQ) at Modified Enhanced Community Quarantin (MECQ).
Ayon kay PNP Deputy Chief for Operations (TDCO) at JTF COVID Shield commander Lt. Gen. Ephraim Dickson, mas pinalakas nila ang police intervention sa mga lugar na nasa Enhanced Community Quarantine (ECQ) para hindi na maulit ang nangyari sa siyudad ng Cagayan de Oro noong Sabado kung saan buhos ang mga motorista na nais makapasok sa siyudad na nasa ilalim ng ECQ.
Inatasan na rin ni Dickson ang mga regional police directors at maging ang mga police commanders na tiyakin na nasusunod ang Minimum Public Health Standards at makipag-ugnayan sa mga local government units at mga barangay officials para magkaroon ng koordinasyon sa mas mahigpit na security measures.
“Lalo na doon na may naka-record o na classify na mas mataas tulad ng ECQ, MECQ binibigyan natin yun ng pokus at ang intervention natin kailangan paigtingin lalo at yung dessimination din sa mga constituents lalo na yung mga hindi nakaka-alam, i-engage ang mga LGUs hanggang sa barangay level para kahit papaano ay coordinated yung effort ng ating kapulisan at ang mga nagpapatupad ng batas,” pahayag pa ni Dickson.
Siniguro ng heneral na istrikto ang pagpapatupad ng minimum health and safety protocols sa mga lugar na nasa ilalim ng ECQ at MECQ.
Sa mga lugar naman na nasa General Community Quarantine (GCQ) at Modified General Community Quarantine (MGCQ) mananatili pa rin ang mga quarantine control checkpoints.
Sisiguraduhin pa rin ng PNP na nasusunod ang guidelines na inilabas ng IATF.
Ayon kay Dickson, dito naman sa Metro Manila bagamat lumuwag ang quarantine restrictions kailangan pa rin maghigpit lalo na at may banta sa COVID-19 Delta variant.
“Nananatili pa rin kasi tulad ng instruction ng ating SILG saka yung ating Chief PNP hanggat maaari maiwasan natin ang pagpasok talaga ng mga infection lalong lalo na ang Delta variant. As of now kahit na medyo nag loose yung ating classificatio o bumaba naging GCQ ay pinapa-iral pa rin namin yung ginagawa naming checkpoints at minomonitor pa din natin, so far wala pa naman reported na binago,” ayon pa kay Lt.Gen. Dickson.
Sinabi ni Dickson inatasan din ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar ang lahat ng mga police commanders na mag-deploy ng mas maraming pulis sa mga lansangan para pigilan ang mga mass gathering.
Binalaan ng PNP ang mga organizer ng mass gathering na mahaharap sila sa patong patong na kaso kapag mahuli silang lumalabag sa health protocols.
Ang nasabing kautusan ay alinsunod sa direktiba ni DILG Secretary Eduardo Año sa mga pulis na hadlangan ang mga tinaguriang “super spreader events”.
Ito ay bilang pangontra rin sa pagkalat ng Delta variant ng COVID-19 sa bansa na iniulat na nagkaroon na ng local transmission.
Ang Delta variant ay itinuturing na mas makamandag at nakakahawa kaysa sa orihinal na coronavirus.