-- Advertisements --

Lalo pang dumami ang bilang ng mga lugar sa bansa na apektado ng African swine fever (ASF).

Sa joint committee hearing ng House Committees on Agriculture and Food at Trade and Industry, sinabi ng Bureau of Animal Industry ng Department of Agriculture (DA) na mula Marso 2020 hanggang sa kasalukuyan ay mas marami nang ASF infected areas.

Noong nakaraang taon, sa Central Luzon at CALABARZON lang halos anila ang infected areas at mayroon ding incursions na nangyari sa Davao Region, pero sa ngayon lumawak pa ito sa iba pang bahagi ng Luzon at Mindnao.

Sa katunayan, nagkaroon pa nga anila ng incursion ng mga kaso ng ASF sa Region VIII noong Enero 2021.

Pero sa kabila nito, nagkaroon naman ng “dramatic” decrease sa mga naitatalang kaso, ayon sa Bureau of Animal Industry.

-- Advertisement --

Mula sa 360 cases na naitala noong Disyembre 2020, bumaba ito sa 358 noong Enero ng taong kasalukuyan at 254 naman noong Pebrero.

Ngayong Marso, nasa 62 cases na lamang aniya ang kanilang natutukoy mula sa kanilang pinaigting na bio surveillance.

Ayon sa DA, lalo pa nilang paiigtingin ang kanilang mga ginagawang hakbang para labanan ang ASF, na siyang nakikitang dahilan nang pagtaas ng presyo ng pagkain, na nakita naman sa 4.7 percent year-on-year inflation rate na naitala noong Pebrero.