KALIBO, Aklan – Ipinagbabawal muna ng lokal na pamahalaan ng Malay ang mga live shows, banda at iba pang uri ng live entertainment sa Boracay dahil sa banta ng coronavirus disease (COVID-19).
Batay sa kalatas na ipinalabas ng LGU-Malay, pinapayagang mag-operate ang mga restaurants at food park, subalit wala munang live entertainment.
Magsasagawa ng random inspection ang mga otoridad upang masigurong walang nagsasagawa ng mass gathering at mahigpit na nasusunod ang health and safety protocols.
Nauna rito, sinabi ni punong barangay Jayson Yap Talapian ng Balabag, Boracay na isang guest mula sa Metro Manila na positibo sa COVID-19 ang naki-party sa isla.
Nahawaan nito ang ilan sa kanyang mga high-risk contacts.
Sinasabing nakabalik na sa Maynila ang guest nang malamang nagpositibo ito sa sakit.
Depende aniya sa magiging sitwasyon kung palalawigin pa ni Malay Mayor Frolibar Bautista pagkatapos ng Abril 10 ang lockdown na nagsimula noong Marso 28 sa Zone 5 at 6 sa naturang barangay, kung saan apektado dito ang 31 hotels.
Kinumpirma ng Municipal Health Office ang pagkakaroon ng 25 kaso ng COVID-19 sa ni-lockdown na lugar.
Kasalukuyang nasa facility quarantine sa Kalibo ang mga pasyente habang nagpapatuloy pa ang contact tracing sa iba pang naki-party.