-- Advertisements --

Nagtakda na ang Department of Justice (DoJ) ng petsa sa pagdinig sa mga kasong isinampa laban kina Vice President Leni Robredo at iba pang personalidad dahil umano sa destabilization plot laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay DoJ Usec. at Spokesperson Atty. Markk Perete, isasagawa ang preliminary investigation sa Agosto 9 dakong alas-10:00 ng umaga.

Kinumpirma rin ni Perete na napadalhan na nila ng subpoena ang mga respondent sa kaso matapos isumite ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang address ng mga kinasuhan nilang indibidwal.

Siniguro naman ni Justice Sec. Menardo Guevarra na magiging patas ang isasagawang imbestigasyon ng DoJ panel sa naturang kaso.

Maliban kay Robredo na humaharap sa sedition case, kabilang din sa mga kinasuhan sina dating Senators Antonio Trillanes IV at Bam Aquino, kasalukuyang Senators na sina Risa Hontiveros at Leila de Lima, ilang mga taga-oposisyon at ilang taga-simbahan.

“The special panel of state prosecutors will start the preliminary investigation of this case very soon. subpoenas may be issued today. i assure everyone of utmost fairness in the resolution of this case. the evidence, or the lack of it, will speak for itself. in the ordinary course of things, the complaint shall be dismissed as to those respondents against whom no evidence is presented, while those against whom sufficient evidence is presented shall accordingly be indicted. let’s wait until this process is completed,” wika ni Guevarra.