LA UNION – Napigilan ng militar ang posibleng pag-atake ng rebeldeng grupo laban sa mga sundalo at sibilyan.

Ito’y matapos matagumpay na narekobre at nasamsam ng 91st Infantry (Sinagtala) Battalion, PA na nakabase sa Baler Aurora ang ilang mga kagamitan ng New People’s Army (NPA) sa Barangay Umiray, Dingalan, Aurora.

Base sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo La Union mula kay Major Amado C. Gutierrez, Chief ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 7ID, PA sinabi nito na kabilang sa mga narekober nila ay granada, cable wire, automatic regulator at cellphone charger.

Naniniwala ang opisyal na posibleng gagamitin ng NPA ang mga nabanggit na materyales sa paggawa ng pampasabog bilang booby trap.

Ngunit sa pagkakadiskubre ng mga ito sa tulong ng Phil. National Police ay napigilan ani Gutierez ang posibleng pagkapinsala ng mga kawal at sibilyan.