-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Nabakunahan na ng unang dose ng bakuna kontra sa COVID-19 ang mga jail personnel sa Ilagan City District jail bilang bahagi ng vaccination program ng pamahalaan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jail Officer 1 Maureen Lucas, Jail Nurse ng Ilagan City District Jail, matapos ang pagbibigay nila ng impormasyon kaugnay sa kahalagaan ng bakuna ay boluntaryong nakiisa sa vaccination ang kanilang mga kasamahan.

Aniya, nagpapasalamat ang Ilagan City District Jail dahil sila ang isa sa mga naging prayoridad sa vaccination program.

Malaking tulong ito hindi lamang sa kanilang sarili at pamilya kundi para mapangalagaan na rin ang bawat Persons Deprived of Liberty o PDLs.

Ayon pa kay Jail Officer 1 Lucas, bagamat may ilang nakaranas ng sintomas matapos maturukan ng Astrazeneca ay maayos din ang kanilang kundisyon.

Labing siyam sa kanilang mga kasamahan ang nabakunahan habang mayroon pang ilan na hindi pa nababakunahan dahil sa pagkakaroon ng comorbidity.

Sa ngayon ay nakahanda na sila para naman sa ikalawang dose ng bakuna sa susunod na buwan.